Sa taunang Manggahan festival ng Guimaras Island, bukas na sa publiko ang Mango eat-all-you-can para sa mga mahihilig kumain o gustong tikman ang sarap ng World Class Guimaras Mangoes.
Kung mayroong unli-rice sa mga restaurants, mayroon ding unli-mangoes sa Manggahan festival, ang Mango eat-all you-can.
Sa halagang 80 pesos, maaari ka nang mag unlimited mode sa pagkain ng napakasarap na Guimaras mangoes.
Ayon sa mga organizers, ang average na makakain ng isang tao ay umaabot sa dalawa at kalahating kilo kung saan ang bawat kilo ay mabibili sa labas ng trade fair sa halagang 70-100 pesos kada kilo kaya’t sulit na sulit ang babayaran mo sa mango eat-all-you-can.
Kakaiba ang Guimaras mangoes kumpara sa ibang uri ng mangga dahil sa tamang tamis at linamnam nito na talaga namang patok sa mga panlasa hindi lamang ng mga pinoy kundi maging sa mga foreign tourists.
Ang Guimaras mangoes ay naihain na rin sa Buckingham palace at white house.
Maging ang mga European ambassadors ay nagpakita ng malaking interes na ma-export sa mga bansa sa Europa ang Guimaras mangoes.
Tampok ang Mango eat-all-you-can sa trade fair area sa capitol grounds sa Jordan, Guimaras Island mula May 14 hanggang 22 nitong taon.
Ang Mango eat-all-you-can ay bukas sa publiko mula alas 8:30 hanggang alas 11 ng umaga at alas 2:30 hanggang 4:30 sa hapon.
Sa pamamagitan ng Mango eat-all-you-can, umaasa ang lokal na pamahalaan ng Guimaras at Provincial Tourism Office na lalo pang dadagsa ang bilang ng mga turista sa isla na makakatulong naman sa local mango producers ng Guimaras Island.
(Vincent Arboleda / UNTV Correspondent)