Mangangalakal ng basura sa Maynila, patay sa pamamaril

by Radyo La Verdad | August 23, 2017 (Wednesday) | 2793

Nakahiga at wala ng buhay ang isang mangangalakal ng basura matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Osmeña highway sa San Andres kagabi. Kinilala ang biktima na si Ronald Remolasyo, kwarenta anyos.

Ayon kay Melinda Bergado, matutulog na sana sila nang bigla na lamang hinawi ng suspek na may takip sa mukha ang trapal sa kanilang barong barong at pinagbabaril ang biktima.

Nataranta na umano si Melinda matapos makita ang asawa na duguan ang dibdib at agad na humingi ng tulong sa mga kapitbahay ngunit walang tumulong sa kanila. Dagdag pa ng Melinda, isang taon pa lamang nang magsimulang gumamit ng shabu si Ronald ngunit minsan lang ito nangyari.

Aniya pa, sumuko na rin ang biktima sa Oplan Tokhang sa kanilang lugar sa San Pablo Laguna ngunit hindi na ito bumalik doon. Sa ngayon ay patuloy pang iniimbestigahan ng otoridad ang pangyayari.

 

(Asher Cadapan / UNTV Correspondent)

 

Tags: , ,