METRO MANILA – Nanatili pa ring suspendido ang Mandatory Vehicle Inspection at Private Motor Vehicle Inspection Centers (PMVIC) alinsunod sa kautusan ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade.
Nilinaw naman ni Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Edgar Galvante na hindi suspendido ang operasyon ng PMVICs kundi ang private inspection at implementation ng gears lamang.
Dagdag pa ni Asec. Galvante, maaaring pumili ang mga may ari ng sasakyan kung magpapa-inspeksyon sa PMVIC o Private Emission Testing Center (PETC).
Nilinaw din ng opisyal ang pahayag ni Senator Grace Poe nitong Miyerkules (October 20) na nagsasabing nakatanggap ng impormasyon ang kanilang tanggapan na may mga ilang PMVICs na patuloy ang mandatory motor vehicle inspection sa kabila ng may suspension order na inilabas ang DOTr.
Matatandaang ipinag-utos ni Secretary Tugade ang pagsususpendi ng mandatory inspection at testing vehicles sa PMVICs sa lahat ng regional offices ng LTO.
(Jeth Bandin | La Verdad Correspondent)