Mandatory SSS contributions ng OFWs, kinuwestiyon sa Korte Suprema

by Erika Endraca | August 28, 2019 (Wednesday) | 8493

MANILA, Philippines – Umapela sa Korte Suprema ang grupong Migrante International at ilang Overseas Filipino Workers (OFW) para maipawalang-bisa ang ilang probisyon ng Republic Act 11199 o Social Security Act of 2018, partikular na ang probisyong ginagawang mandatory ang Social Security System (SSS) membership para sa mga seabased at land-based ofws .

Sa ilalim nito, hindi employer kundi ang mismong ofw ang magbabayad ng  kontribusyon. Ayon sa ilang ofw, pahirap sa kanila ang naturang probisyon dahil iniipit sila nito sa pagkuha ng kani- kanilang mga requirements. Pati ang grupong Bayan Muna, nakiisa sa panawagang alisin ang probisyon.

“Unlike sa mga manggagawa dito sa Pilipinas kung saan employer ang nagbabayad ng 2/3 ng bayad. Ang batas nagsasabi na ang buo ay babayaran ng ofw kasi hindi naman nauutusan ang employer sa abroad na mag share.” ani Dating Bayan Muna Partylist Representative’ Atty. Neri Colmenares. 

Ayon sa grupong migrante, hindi makatarungan ang RA-11199 dahil ang pwersahang koleksyon ay nangangahulugan ng hindi patas na pagtrato sa mga Pilipinong manggagawa sa ibang bansa.

” Ang unfair po kasi e. Dito po sa batas sinasabi na sila ay selfemployed at kakarguhin po nila iyong kontribusyon na dapat ang nagcocontribute ang mga employer.” ani Migrante International Vice Chairperson, Arman Hernando .

(Mai Bermudez | UNTV News)

Tags: ,