METRO MANILA – Inaprubahan na sa Kongreso ang panukalang batas na mandatory registration ng Subscriber Identity Module (SIM) cards na makakatulong sa pagtunton ng mga kriminal na gumagamit ng mobile phones na may postpaid at prepaid sim cards para sa mga ilegal na gawain gaya ng kidnapping for ransom at pagnanakaw.
Ayon sa House Bill No. 5793 o ang “Sim Card Registration Act”, oobligahin ng Public Telecommunication Entity (PTE) o mga direct seller ang mga may-ari ng isang SIM card na magpakita ng proof of validation na may kasamang larawan upang makumpirma ang pagkakakilanlan nito.
Kasabay nito ay ang pagsagot ng may-ari ng SIM card sa isang control-numbered registration form mula sa PTE o sa direct seller. Ang mga PTE naman ay kinakailangang isumite sa Department of Information and Communications Technology (DICT) ang listahan ng SIM card register ng lahat ng kanilang subscribers kada 6 na buwan.
Mananatiling confidential ang impormasyon ng mga subscriber maliban na hilinging gamitin ng korte o ng anumang ahensya sa pagsisiyasat sa anumang krimeng kaugnay nito.
Sa ilalim ng batas na ito ay ipaguutos din ang pagparehistro ng mga existing SIM card subscribers. Sinomang lumabag sa pagpapatupad ng mga probisyong ito ay magre-resulta sa deactivation ng serbisyo sa kanilang mga SIM cards.
(Rachel Reanzares | La Verdad Correspondent)
Tags: Sim Cards