Mandatory Natiowide Drivers’ Academy, binuksan na ng LTFRB

by Radyo La Verdad | August 18, 2017 (Friday) | 1548

Basic traffic rules and discipline, anger management, road rage at iba pa. Kabilang ang mga ito sa itinuturo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board  sa Drivers’ Academy na opisyal nang binuksan kahapon.

Layon ng naturang programa na maturuan at maipaalala sa Public Utility Drivers ang mga batas trapiko at regulasyong umiiral sa lansangan. Bawat klase ay tatagal lamang ng isang araw, simula alas otso ng umaga hanggang alas singko ng hapon.

Isasagawa ito sa mga tanggapan ng LTFRB tuwing Huwebes at Biyernes, at gagawin sa loob ng isang taon. Pagkatapos ng klase, binigyan ng LTFRB ng eksaminasyon ang mga driver.

75 percent ang itinakdang passing grade sa pagsusulit, subalit kung hindi naman makapapasa ang driver, ay maari siyang umulit sa Drivers’ Academy. Maaring hindi tanggapin sa trabaho o mawalan naman ng trabaho ang mga driver ng pampublikong sasakyan kung hindi sila sasailalim sa Drivers’ Academy.

Nagkasundo ang LTFRB at ilang mga transport operator na gawing requirement sa kanilang mga driver ang pagsali sa Drivers’ Academy upang maobliga ang mga ito na sumailalim sa training.

 

(Mirasol Abogadil / UNTV Correspondent)

 

Tags: , ,