Mandatory drug testing ng CHED sa mga estudyante, simula na sa susunod na academic year

by Radyo La Verdad | November 8, 2018 (Thursday) | 11281

Pinal na ang desisyon ng Commission on Higher Education (CHED) na ipatupad sa academic year 2019- 2020 ang mandatory drug testing sa lahat ng kolehiyo, pamantasan at Higher Education Instituions (HEIs) sa bansa.

Batay ito sa nakasaad sa inilabas na Memorandum Order No. 18 ng CHED noong nakaraang linggo. Isasama na rin sa student handbook ng lahat ng pamantasan ang pagsasagawa ng mandatory drug testing sa mga estudyante.

Katuwiran ng CHED, bahagi ito ng repormang ipinatutupad ng Duterte administration

Makikipag-ugnayan din ang CHED sa mga magulang upang kunin ang kanilang consent bago isagawa ang drug testing sa mga estudyante.

Para naman sa isang eksperto na kumakatawan sa isang organisasyon ng mga guro, ang naturang hakbang ay tila banta sa kaligtasan ng mga kabataan at pagkitil sa kanilang karapatan na protektahan ang sarili.

Aminado ang third year student na si Jose Azcarraga na maganda ang drug testing para sa ikabubuti ng mga kabataan. Ngunit para gawin itong tila isang requirement, lagpas na aniya ito sa privacy ng isang indibidwal.

Para naman kay Aling Christina na lola ng dalawang college students, payag siya na sumailalim sa drug testing ang mga kabataan upang magamot at maagapan sakaling positibong gumagamit ang mga ito ng iligal na droga.

Sa isang pahayag naman ni CHED Chairman Prospero de Vera, pangunahing malasakit nila ang kaligtasan ng mga kabataan kaya’t nais nilang matiyak na drug-free ang mga pamantasan at kolehiyo sa bansa.

Samantala, tiniyak naman ng CHED na ang isasagawang drug testing ay sa pamamagitan ng DOH-accredited facilities, mga eksperto at maging ng mga private medical practitioners.

Hindi aniya kasama ang PNP sa magsasagawa ng drug testing.

Makapapasok lamang sa mga pamantasan ang mga pulis kapag may permiso mula sa pamunuan ng eskwelahan.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

 

 

 

 

Tags: , ,