Mandatory drug test para sa mga kandidato, hindi maaaring ipag-utos – COMELEC

by Radyo La Verdad | May 29, 2023 (Monday) | 8141

METRO MANILA – Hindi maaaring ipag utos ng Commission On Elections (COMELEC) ang mandatory drug test para sa mga magsusumite ng Certificate Of Candidacy (COC) lalo na’t papalapit na ang isasagawang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ngayong taon.

Ayon kay Comelec Spokesperson Atty. Rex Laudiangco, ilegal na pilitin ang mga kandidato na sumailalim sa naturang pagsusuri.

Dagdag ni Spokesperson Laudiangco na sinubukan na rin itong ipatupad ng komisyon noong 2007 sa pamamagitan ng isang resolusyon.

Gayunman, naglabas ng ruling ang Supreme Court na hindi maaaring magdagdag ng requirements ang Comelec labas sa itinatakda ng konstitusyon.

Ayon sa batas, maaaring tumakbo sa anumang posisyon sa gobyerno ang mga Filipino citizen na nasa wastong edad, may sapat na bilang ng taong naninirahan sa bansa, marunong bumasa at sumulat. At hindi convicted sa anomang kaso.

Gayunman, maaari namang boluntaryong magsumite ng negative drug results ang mga kandidato.

Tags: ,