Malinis, tapat at walang bahid-dungis na eleksyon, hiling ni Pangulong Duterte sa kanyang ika-77 kaarawan

by Radyo La Verdad | March 28, 2022 (Monday) | 6514

METRO MANILA – Gaya ng nakagawian na, isang simpleng pagdiriwang lamang ng ika-77 kaarawan ang gagawin ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong araw (March 28) kasama ang kaniyang pamilya sa Davao City.

At batay sa Malacañang, ang birthday wish ng pangulo sa taong ito, magkaroon ng malinis, walang bahid dungis at tapat na May 9, 2022 elections.

Sang-ayon na rin ito palaging giit ng pangulo na kahalagahan ng mapayapang pagsasalin ng kapangyarihan bilang isa sa pamana ng kaniyang administrasyon.
Nagpahatid naman ng pagbati si Acting Presidential Spokesman at Presidential Communications Secretary Martin Andanar sa kaarawan ng presidente.

Nagpasalamat din ito sa liderato ng punong ehekutibo na aniya’y naging inspirasyon ng mga opisyal ng gobyerno sa ikasusulong ng paglilingkod sa publiko.

Hiling din nito ang patuloy na pagkakaloob ng Dios ng maayos na kalusugang pisikal at mental sa mga susunod na taon upang makapaglingkod pa rin ito sa mga kapwa Pilipino.

Samantala, sinabi naman ni Pangulong Duterte fulfilled na siya sa edad na 77 at wala na siyang mahihiling pa sa Dios.

“Pero ngayon na pabalik na ako, matanda na man ako, 77 years old, ewan ko kung anong magdating sa akin. Tapos naman trabaho ko fulfilled na ako sa lahat ng bagay. Wala na akong mahingi.” ani Pres. Rodrigo Duterte.

Ang punong ehekutibo ang pinakamatandang naging pangulo ng Pilipinas sa edad na 71.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: