Maliliit na negosyo, posibleng maapektuhan dahil sa malaking kaltas sa budget ng DTI

by Radyo La Verdad | August 29, 2018 (Wednesday) | 3082

Mula sa 19 bilyong piso, 5.2 bilyong piso na lamang ang panukalang pondo ng Department of Trade and Industry (DTI) para sa taong 2019 matapos itong kaltasan ng Department of Budget and Management (DBM). Paliwanag ni DTI Secretary Ramon Lopez, prayoridad umano ng DBM ang mga infrastructure projects at social services.

Ngunit sa budget hearing na isinagawa kahapon sa mababang kapulungan ng Kongreso, kinuwestyon ng ilang mambabatas kung kakayanin pa rin ng kagawaran na makapagsagawa ng maayos sa kabila ng maliit na budget.

Nakaltasan ng 6 milyong piso ang budget ng consumer protection group habang zero budget naman para sa shared service facility program ng DTI.

Ayon kay ACT Partylist Representative Antonio Tino, hindi makatwiran na kaltasan ang budget para sa sangay na nangangalaga sa kapakanan ng mga consumer.

Aminado naman si DTI Sec. Mon Lopez na magkakaroon ng epekto sa kanilang mga programa ang maliit na budget na nakalaan sa kanila para sa susunod na taon.

Ayon kay Lopez, unang maapektuhan dito ay ang maliliit na negosyante na umaasa sa tulong ng DTI sa tinatawag na shared service facility.

Ito ay ayuda ng kagawaran sa mga small and medium enteprise upang magkaroon sila ng mga equipment sa negosyo.

Ayon sa DTI, malaking hamon para sa kanila na magampanan ang kanilang tungkulin lalo na at malaking isyu ngayon ang usapin sa pagpapalakas ng ekonomiya ng bansa.

Sinabi ng DTI na kahit mayroong mga programa na mawawalan ng budget sa susunod na taon, mayroon pa rin namang mga alternatibong programa na pwedeng salihan ng publiko.

Kabilang dito ang P3 program na naglalayong magpautang ng kapital sa mga malilit na negosyante at mga Go Local program na tumatangkilik sa mga locally made products.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,