Malay Mayor Ceciron Cawaling, sinuspinde na ng Office of the Ombudsman – DILG

by Radyo La Verdad | October 26, 2018 (Friday) | 54635

Isang preventive suspension ang ipinatupad ng Department of the Interior and Local Government (DILG) laban kay Malay Municipal Mayor Ceciron Cawaling matapos pirmahan ng Office of the Ombudsman ang resolusyon kaugnay sa mga reklamong isinampa ng DILG laban sa alkalde at iba pang opisyal sa Aklan.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, ika-23 ng Oktubre nang lagdaan ng Office of the Ombudsman ang resolusyon sa preventive suspension ni Cawaling habang Miyerkules naman nang matanggap ito ng DILG.

Hunyo nitong taon nang magsampa ng kasong kriminal at administratibo ang DILG sa Ombudsman laban sa 17 opisyal ng probinsya ng Aklan at bayan ng Malay.

Kaugnay ito ng umano’y anomalya sa pagpapatupad ng environmental laws sa isla at sa hindi maayos na paggamit ng environmental fee na kinokolekta sa mga turistang pumapasok sa Boracay.

Sa labing pitong opisyal, tanging si Mayor Cawaling pa lamang ang mapatawan ng preventive suspension sa ngayon.

Dahil sa pagkakasuspinde kay Mayor Cawaling, si Vice Mayor Abraham Sualog na muna ang uupo bilang acting mayor ng bayan ng Malay batay sa mga panuntunan ng DILG.

Sa kabila ng biglaang pagbabago, sinabi naman ng DILG na susuportahan nila ang mga current officials ng Malay, Aklan sa pagpapatupad ng mga panuntunan para sa ikauunlad ng kalikasan ng Boracay at para sa Tourism sustainability nito.

Samantala, nagsagawa naman ng capability demonstration exercises ang Metro Boracay Police Task Force sa white beach sa Boracay kahapon.

Sari-saring scenarios o eksena katulad ng mass drowning, oil spill, terrorism at bombing incident ang nakapaloob sa exercise.

Ayon sa PNP, bagaman walang natatanggap na anomang banta sa isla, mabuti na anila na maging handa lalo na ngayong inaasahan ang muling pagdagsa ng mga turista sa isla.

 

( Vincent Arboleda / UNTV Correspondent )

Tags: , ,