Naglunsad na nang malawakang operasyon ang Calabarzon police upang hanapin ang bahagi ng shipment ng high grade cocaine na hinihinalang itinatago ng ilang mga mangingisda sa Quezon Province.
Ito ay matapos na marecover noong Biyernes sa Infanta, Quezon ang 21 milyong pisong halaga ng iligal na droga mula sa isang mangingisda na kinilalang si Aldrin Taharan.
Naaresto si Taharan matapos na magbenta sa isang undercover agent ng iligal na droga.
Hinihinalang bahagi ito ng 28 pirasong selyadong plastic na naglalaman ng cocaine na natagpuan ng mga mangingisda ng Quezon na palutang-lutang sa karagatang sakop ng Camarines Norte.
Bukod pa rito ang liquid cocaine na nakalagay sa isang container na isinuko ng mga mangingisda sa mga otoridad.
Ayon sa Police Regional Office 4, kinausap na nila ang mga magsasaka upang agad na ipagbigay-alam sa kanila kung mayroong malalaman tungkol sa mga drug shipment.
Hinikayat din ng mga otoridad ang mga mangingisdang nag-iingat pa ng mga iligal na droga na isuko na ang mga ito.
Hinala ng mga otoridad, sa karagatan na pinadadaan ang shipment ng mga iligal na droga.
( Sherwin Culubong / UNTV Correspondent )
Tags: iligal na droga, PRO4, Quezon Province