Malawakang kilos protesta kaugnay ng hindi inaprubahang P2,000 SSS pension hike, inihahanda ng mga senior citizen

by Radyo La Verdad | January 21, 2016 (Thursday) | 2051

PENSIONERS
Sa kabila ng kanilang katandaan sasama pa rin ang mga senior citizen sa isasagawang kilos protesta upang ipaki-usap sa pamahalaan na ibigay sa kanilang dagdag 2-libong SSS pension.

Magtitipon-tipon ang libo-libong senior citizen sa Quezon City Memorial Circle sa January 30 sa ganap na alas-3 ng hapon upang kondenahin ang pag-veto ni Pangulong Aquino sa SSS pension increase.

Nanawagan din sina lolo at lola sa lahat ng mga senior citizen at iba pang labor group na makiisa sa kanilang isasagawang black friday protest ngayon byernes.

Sinabihan ang lalahok sa black friday protest na maglagay ng itim na ribbon sa braso o di kaya’y magsuot ng kulay itim na damit.

Nakatakda namang maghain ng isang resolusyon sa lower house si Bayan Muna Party-list Rep. Neri Colmenares, ang may akda ng panukalang batas.

Dito papipirmahin ng mga kongresistang una nang bumoto pabor sa pagpasa ng panukalang SSS pension increase.

2/3 o 194 na boto lamang ang kailangan sa lower house upang ma-override ang veto ng pangulo.

Kung magagawang ma-override ng kamara at senado ang veto ni Pangulong Aquino sa panukalang SSS pension increase, ito ang kauna-unahang pagkakataon na magagamit ng dalawang kapulungan ng kongreso ang kanilang kapangyarihang mabaliktad ang pasya ng pangulo.

(Grace Casin/UNTV News)

Tags: ,