Malawakang inspeksyon sa mga establisyemento upang matukoy ang mga illegal Chinese workers, inirekomenda ng mga Senador

by Radyo La Verdad | November 26, 2018 (Monday) | 13429

Inimbestigahan ng Senado ang naiulat na malaking bilang ng mga illegal foreign workers sa bansa.

Partikular na ang mga illegal chinese workers na umabot na umano sa 200 thousand sa National Capital Region (NCR) pa lamang.

Nakuwestiyon ng mga senador ang ginagawang trabaho ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa pagmomonitor kung may mga dayuhan na iligal na nagtatrabaho sa bansa.

Pagtatanggol ng DOLE, sila lamang ang nag-iisyu ng alien employment permit bilang requirement sa kukuha ng working visa sa Bureau of Imigration (BI).

Dapat aniyang tingnan dito ang mga kumukuha ng mga special work permit na lagpas na sa itinakdang tagal na dapat na pamamalagi sa bansa.

Sa ulat ng BI, umabot na sa mahigit 119 na libo ang nabigyan nila ng special work permit at aminado silang karamihan dito ay mga Chinese national.

Isa rin sa mga tinitingnan ng mga mambabatas na ginagawag palusot ng mga illegal workers ay ang ibinibigay na tourist visa, kung saan ngayong 2018 ay umabot sa mahigit 1.6 milyon ang nabigyan ng Chinese tourist visa.

Ayon kay Senator Grace Poe, suportado ng kaniyang kapwa senador ang crackdown sa mga illegal Chinese workers, maging sa iba pang mga foreign workers.

Aminado ang BI na kakaunti lamang ang kanilang tauhan na nag-iinspeksyon sa mga establisyimento na umaabot lamang sa walumpu sa buong Pilipinas.

Para sa DOLE, ang paglutas sa isyung ito ang dapat na maging prayoridad sa susunod na taon.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

Tags: , ,