Malalaking establisyimento, iminumungkahi ni Senator Gatchalian na isara upang makatiyak na hindi kakapusin sa supply ng kuryente sa halalan

by Radyo La Verdad | April 14, 2022 (Thursday) | 1206

Nagbukas ng isang suhestiyon si Senate Committee on Energy Chairperson Senator Sherwin Gatchalian sa isang panayam nitong Abril 5, na isara ang mga mall at mga malalaking establisyimento sa May 9 upang makatiyak na hindi kakapusin sa supply ng kuryente sa araw ng halalan.

Aniya, bagaman mababa ang pagkonsumo ng kuryente sa bansa dahil walang mga pasok sa trabaho bunsod ng eleksyon, mainam na isara ang mga ito upang makatiyak na may sapat na supply ng kuryente at hindi magdulot ng brownout na siyang makaapekto sa botohan.

Dagdag pa ng senador, magiging magulo ang halalan kung magkakaroon ng mga brownout bunsod ng pagnipis ng supply ng kuryente. Iniisip niya lamang ang magiging worst case scenario kaugnay nito kung kaya’t nabuo niya ang nasabing suhestiyon.

Ayon sa kaniyang computation, magiging sapat ang supply ng kuryente sa bansa kung ang lahat ng planta ng kuryente sa bansa ay makakapag-operate nang maayos sa May 9.

Sa kabila ng nasabing mungkahi ay tiniyak na ng Department of Energy noong Enero na magiging sapat ang power supply sa araw ng eleksyon.

(Judren Soriano | La Verdad Correspondent)

Tags: