Malalakas na pag-ulan, posible pa ring maranasan ngayong araw – PAGASA

by Radyo La Verdad | June 22, 2018 (Friday) | 2847

Malaki pa rin ang posibilidad na makaranas ng malalakas na mga pag-ulan sa iba’t-ibang lugar sa bansa.

Ayon sa PAGASA, thunderstorms ang dahilan ng malakas na pag-ulan kagabi sa Metro Manila at mga karatig lalawigan.

Ayon kay Weather Specialist Gener Quitlong, ang maaliwalas na panahon sa umaga ay nagbigay daan para maipon ang tubig sa kalangitan na siyang bumuhos naman mula alas tres ng hapon.

Dagdag pa dito ang kombinasyong epekto ng habagat na nakakaapekto sa kanlurang bahagi ng Northern at Central Luzon.

Mula ala-singko hanggang alas otso ng gabi ay nakapagtala ang PAGASA ng 97mm na dami ng ulan na katumbas ng mahigit sa isang linggong ulan ngayong buwan ng Hunyo.

Base sa forecast ng PAGASA, dahil sa habagat ay makakaranas ng mahina hanggang sa katamtamang pag-ulan ang Ilocos Region, Zambales, Bataan at Palawan.

Pagdating ng hapon o gabi ay may thunderstorms pa rin sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa.

Wala namang bagyo o low pressure area (LPA) na makakapekto sa bansa sa weekend.

Tags: , ,