Malaking pagbaba ng COVID-19 cases sa Pilipinas dahil sa bakuna, inaasahang makikita sa Oct – Nov 2021

by Erika Endraca | April 23, 2021 (Friday) | 3316

METRO MANILA – Randam na ang epekto ng mass vaccination kontra COVID-19 sa Estados Unidos kung saan bumababa na ang emergency department visits at hospitalizations ng mga may 65 taong gulang pataas.

Ganito rin ang sitwasyon sa United Kingdom na pababa na rin ang COVID-19 positivity rate.

Sa Pilipinas, na nag-aantay pa ng suplay ng bakuna, inaasahang mararamdaman ang significant na pagbaba ng COVID-19 cases sa 4th quarter pa ng taon kung kailan darating ang bulto na ang supplies ng COVID-19 vaccines sa bansa.

“Ang nakikita natin kapag once nabakunahan natin majority ng mga affected na tinatawag nating highly urbanized cities like metro manila, kapag nakuha natin iyan nakikita natin na siguro by October or November nakikita natin iyong epekto niya talaga, na talagang bababa talaga iyong kaso niya.” ani NTF vs COVID-19 Vaccine Czar & Chief Implementer, Sec. Carlito Galvez.

Ayon kay Vaccine Czar at National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer Sec. Carlito Galvez, sa kasalukuyan, nasa 50,000 – 60,000 ang average na nababakunahan sa bansa kada araw.

Sa buwan naman ng Hunyo kung kailan 7-8M doses ng bakuna ang target makarating sa bansa, puspusan ang gagawing pagbabakuna sa mga nasa priority group A-4 o economic frontliners at A-5 o indigent population.

Inaasahang lalagpas na sa 100,000 doses ang maituturok kada araw sa Metro Manila pa lamang.

“Kapag nandito na po ang vaccine this coming june, magkakaroon po tayo ng average na… dito pa lang sa ncr na 120,000. Pero dapat kailangan mayroon tayong bastante na 3.3 million na vaccine per month.” ani NTF vs COVID-19 Vaccine Czar & Chief Implementer, Sec. Carlito Galvez.

Subalit sa ngayon na limitado pa rin ang bakuna sa bansa, maximum na pagtupad sa minimum health standards ang apela ng pamahalaan kontra COVID-19.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: