Binayo ng malakas na hangin ang buong probinsya ng Cagayan matapos mag-land fall ang Bagyong Rosita sa Isabela noong Martes ng umaga. Ito ang dahilan kung bakit labing apat na syudad at munisipalidad ang nawalan ng kuryente simula pa noong Lunes.
Nasa mahigit tatlong libong indibidwal rin ang nagsilikas kabilang na ang mahigit dalawang daang residenteng nakatira sa Chico River na nanganganib ang buhay dahil sa banta ng pagtaas ng tubig sa ilog.
Bagaman binayo ng malakas na hangin ang mga imprasktrutura sa probinsya, walang mga bahay ang nasira at nadadaanan pa rin ang lahat ng mga kalsada. Gumagana rin ang linya ng komunikasyon at mayroong tubig na maiinom.
Iniulat ng pamahalaang panlalawigan ng Cagayan na walang napaulat na namatay at sugatan sa probinsya.
Habang papalabas ng bansa ang bagyo, unti-unti ng bumubuti ang panahon dahilan upang maghanda nang umuwi ang mga tao sa mga evacuation center.
Plano ng karamihan na umuwi ngayong araw upang maituloy ang naumpisahang rehabilitasyon ng kanilang mga taniman na nasalanta ng Bagyong Ompong noong nakaraang buwan.
Pero ayon sa mga lokal na opisyal, nakadepende sa kanilang situational assessment kung pauuwiin na ang mga evacuees.
Samantala, tiniyak naman ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na ibabalik sa lalong madaling panahon ang supply ng kuryente sa buong probinsya.
( Mon Jocson / UNTV Correspondent )
Tags: Bagyong Rosita, Cagayan, kuryente