Malakas na buhos ng ulan, nagdulot ng matinding pagbaha sa Jeddah Saudi Arabia

by Radyo La Verdad | November 23, 2017 (Thursday) | 4390

Naparalisa ang trapiko sa ilang kalsada sa Jeddah Saudi Arabia matapos ang naranasang dalawang oras na malakas na pag-ulan. Umabot hanggang bewang ang tubig baha sa Madinah Road, Kings Road, Malik Road at Andalus Road, dahilan upang tumirik ang maraming sasakyan. Makikita na isa-isang tinutulak ng mga residente ang mga sasakyang nalubog na sa baha.

Samantala, nangibabaw naman ang bayanihan spirit ng mga Pilipino. Sa video na ibinahagi ni Ibrahim Hamami, isang residente, makikita ang isang Pinoy na walang takot na lumusong sa malalim tubig upang masagip ang isang Saudi national na natrap sa loob ng kaniyang kotse.

Pinasuot ng Pilipino na si Dawood Farifada Balindong, 39 years old, tubong Pagadian City ng life vest ang Saudi national at itinawid sa mababaw na bahagi tubig.

Ayon kay Balindong, pinagbawalan na siyang lumapit ng mga Saudi rescuer dahil mapanganib at nasa drainage na ang sasakyan ngunit nag-atubili pa rin siya na masagip ang Saudi national. Mula ng i-post sa facebook ang video umani ito ng sari-saring reaksyon sa mga Saudi national.

Ayon kay Saeed Ali, nagpapasalamat siya at nailigtas ang kaniyang kababayan kasabay ang pagpapasalamat naman sa kay Balindong.

Sa ngayon ay mahigit 11-thousand na ang nagsheshare ng video ng pagsagip ni Balindong. Maliban Balindong, isang grupo rin ng Pilipino League of OFW Volunteers and Empowerment o LOVE ang tumulong naman sa ilan nating mga kababayan na na-istranded ang mga sasakyan.

Ayon sa General Authority of Meteorology and Environmental Protection, magpapatuloy ang mga pag-ulan sa siyudad hanggang ngayong linggo.

Nagpapalala naman ang konsulada ng Pilipinas sa Jeddah sa mga Pilipino na magdoble ingat at iwasan ang mga lugar na mga binaha.

 

( Mario Escoto / UNTV Correspondent )

Tags: , ,