Malakanyang, tiwala sa sinseridad ng China sa kabila ng ulat ng militarisasyon sa Kagitingan Reef

by Radyo La Verdad | January 10, 2018 (Wednesday) | 7065

Walang bagong reklamasyon ang China sa South China Sea o West Philippine Sea, ito ang pananalig ng Malakanyang na sinsero ang intensyon ng China nang sabihin nitong walang bagong aangkinin at babaguhin sa naturang lugar.

Sa kabila ito ng ulat ng militarisasyon sa Kagitingan Reef o kilala rin bilang Fiery Cross Reef.

Batay sa ulat ng China Central Television, na-transform ang Fiery Cross Reef sa isang 2.8 square kilometers fortified airbase na may ospital, at military installations kabilang na ang mga warning radar at close-proximity weapon systems. Itinuturing ito na pangatlo sa pinakamalalaking islands sa lugar.

Una nang nabanggit ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na kung mapapatunayan ang patuloy na militarization ng China sa mga man-made islands, posibleng maghain ng diplomatic protest ang bansa laban sa China.

Aminado rin ang Malakanyang na nakakabahala ito dahil banta ito sa seguridad at kapayapaan sa South China Sea.

Gayunman, giit ng pamahalaan, naniniwala pa rin itong tapat ang China sa commitment nitong walang reclamation sa iba pang islands o shoal sa pinagtatalunang teritoryo.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

 

 

 

Tags: , ,