Malakanyang nanawagan sa mga Mall operator na huwag papasukin sa Mall ang mga estudyante sa kasagsagan ng Class suspension dahil sa banta ng COVID-19

by Erika Endraca | March 11, 2020 (Wednesday) | 4903

METRO MANILA – Mismomg ang Malakayang na ang nanawagan sa mga mall operator na huwag payagang pumasok sa mga mall ang mga estudyante sa kasagsagan ng class suspension ngayong Linggo.

Magiikot rin umano sa mga mall ang ilang opisyal ng barangay upang tiyaking walang mga estudyante ang gagala.

“What the malls and the movie houses should do is not to allow those students. They should also cooperate” ani Presidential Spokesperson Sec. Salvador Panelo.

Ayon naman kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año makikipagtulungan na sila sa Philippine National Police (PNP) upang sitahin ang mga estudyanteng makikita sa mga mall at mga pasyalan sa Metro Manila.

Ang hakbang na ito ay upang matiyak na hindi sila mahahawa ng COVID-19 sa mga matataong lugar.

“Sisitahin nila yung mga bata rito na hindi accompanied ng kanilang mga magulang at aadvise na umuwi yung hindi uuwi ihahatid dun kailangan pauwiin yan ang purpose of the suspension of classes is to make sure our children stay at home” ani DILG Sec. Eduardo Año.

Bubuo na rin ng guidelines ang Metro Manila Council, Metropolitan Manila Development Authority at DILG hinggil sa pagpapatupad ng social distancing. Dito pansamantalang ipagbabawal ang malalaking pagtitipon maging ang pagdaraos ng graduation rites.

Samantala hindi pa muna sinangayunan ng mga Alkalde ng Metro Manila ang panukalang pagpapatupad ng localized lockdown.

“Sa puntong ito hindi pa yang ikikokonsidera sapagkat ang bilang naman po ng confirmed cases ay hindi pa ganun kalaki kung ikukumpara sa ibang mga bansa.” ani San Juan City Mayor Francis Zamora.

“Ang nagde-declare nyan ay yung department of health dun sa sub level-1 hindi natin kailangan ng lockdown” ani Parañaque City Mayor Edwin Olivarez.

“If necessary i think we should take that into serious consideration, the lockdown maaaring hindi sa buong Metro Manila, pwedeng maglock down isang barangay, maaaring maglock down isang syudad not necessarily to paralyze the whole of the Metropolitan Manila” ani Marikina City Mayor Marcy Teodoro.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: ,