Malakanyang at DTI nanawagan sa publiko na huwag mag panic-buying

by Erika Endraca | March 12, 2020 (Thursday) | 14899

METRO MANILA – Wala na halos mabiling alkohol at tisyu sa ilang mga pamilihan hindi lang sa Metro Manila kundi sa lang mga lugar sa bansa.

Maramihan na rin ang pagbili ng mga pagkain kaya kapansinpansin ang haba ng pila sa mga pamilihan.

Nagsimula ito nang unti unting tumataas ang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng Coronavirus sa bansa.

Pero ayon sa Department of Trade and Industry (DTI) walang dapat ipangabma ang publiko dahil sapat naman ang suplay ng mga pangunahing bilihin sa bansa.

“Kung sakaling magla lockdown ang Metro Manila, we have sufficient supply. Maraming commissaries and warehouse ng manufacturers natin ang nandito and retailers.” ani Department of Trade and Industry Usec. Ruth Castelo.

Nanawagan naman si Presidential Spokesperson Secretary Salvador Panelo na bilhin lang ang kailangan dahil kung bibili ng sobra sobra ay posible itong magresulta ng price increase.

Upang maiwasan ang hoarding lilimitahan na ng DTI ang mga supermarket operator sa 2 bote ang maaaring bilhin ng kada costumer.

“Unless ipaligo mo yung alcohol hindi mo kailangan ng 10 bote kung ikaw lang or a family of 5 dahil sa kamay lang naman ginagamit.” ani Department of Trade and Industry Usec. Ruth Castelo.

Nagpaalala si Castelo na umiiral ngayon ang price freeze sa mga pangunahing bilihin mula ng isailalim sa public health emergency ang bansa na tatagal ng 60 araw.

Kabilang sa mga produktong hindi dapat magtaas ng presyo ay ang bigas, mantika, mga lamang dagat, itlog, sariwang karne ng baboy at baka, gulay at prutas, asukal, mga delatang isda gaya ng sardinas, kape, tinapay, sabon, bottled water, instant noodles, mga gamot at liquified petroleum gas o LPG.

Nagbabala ang DTI na kakasuhan ang sinomang mananamantala.

“Pwede sigurong ibaba ng retailer kung sa tingin nila pwedeng mabawasan yung profit nila pero hindi nila pwedeng itaas.” ani Department of Trade and Industry Usec. Ruth Castelo.

Samantala sinabi naman ng opisyal na maaari namang mag-stock ng pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan ang publiko na tatagal ng 7-10 araw para naman hindi laging pumupunta sa mga pamilihan at makaiwas sa pagkahawa sa sakit.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: