Malacañang, walang nakikitang dahilan para maantala ang pagpasa sa 2021 proposed national budget

by Erika Endraca | October 8, 2020 (Thursday) | 1539

METRO MANILA – Naniniwala si Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi mabibinbin ang pagpasa sa 2021 national budget dahil sa suspension ng sesyon sa kamara.

Martes nang ipasa sa House of Representatives ang panukalang pambansang pondo sa ikalawang pagbasa subalit terminated ang deliberations at sinuspinde hanggang November 16 ang sesyon ng mga mambabatas.

Ayon sa palace official, may sapat na panahon ang senado para tapusin ang kanilang deliberasyon sa budget.

“Kasi pupuwede naman magpatuloy po ang senado ng pagdinig nila sa budget bill kasi nag-originate na po yan sa house. Hindi naman po requirement na dapat matapos ng house bago makagalaw ang senado. Ang requirement lang ng saligang batas, it must originate from the house and dahil naipasa na nga po sa second reading yan po ay pruweba na nag-originate na po yan sa house. Puwede po yung full blown deliberation maski po naka- break ang kongreso.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Paulit-ulit ang panawagan ng palasyo sa kongreso na hindi dapat maantala ang approval sa budget dahil hindi maaaring maging re-enacted ang pondo sa 2021 dahil sa kinakaharap na covid-19 pandemic.

Hindi na rin inaasahan ng palasyo na magkakaroon pa ng pagpupulong ang presidente sa mga nagbabangayang kapartido sa isyu ng house speakership.

“Nasabi na niya ang lahat niya ang dapat niyang sasabihin sa parehong partido. Ang kanyang hiling, ‘wag i-hostage ang budget, kinakailangan natin itong covid-19 budget na ito.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: