Malacañang, umaasang lalo pang bababa ang inflation rate sa mga susunod na buwan

by Radyo La Verdad | March 6, 2019 (Wednesday) | 15399

MALACAÑANG, PHILIPPINES – Inaasahan ng Malacañang ang patuloy na pagbaba ng inflation rate sa bansa.

Naitala sa ika-apat na pagkakataon ang pagbaba ng inflation rate dahil sa pagbaba ng presyo ng pagkain, non-alcoholic at alcoholic beverages at transportasyon.

Batay sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), pumalo sa 3.8% ang inflation rate nitong Pebrero. Pinakamabagal na ito mula noong March 2018 kung saan naitalang 4.3% ang inflation rate.

Sa Metro Manila ay bumaba ang inflation rate sa 3.8% noong December mula sa 5.6% noong November.

Ang mga lugar naman sa labas ng Metro Manila ay mabagal din ang naging pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo at naitalang 3.8% lamang noong Pebrero.

Ayon sa ulat ng PSA, sa mga lugar sa labas ng Metro Manila, pinakamabagal ang inflation sa Cordillera Administrative Region (CAR) na may 2.5% samantalang pinakamabilis naman sa MIMAROPA Region na may 5.3% annual rate.

Pahayag naman ng Palasyo, ang patuloy na pagbaba ng antas ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin ay nangangahulugang naging epektibo ang mga macroeconomic policies ng Duterte Administration.

Tiniyak din ng pamahalaan na patuloy ang kanilang gagawing pagbabantay sa presyo ng mga bilihin.

“We are pleased to know that the inflation is going down, as the economic managers said so few weeks ago. It will go down as expected given the fact that they have placed certain measures that will put it down.” ani Presidential Spokesperson Salvador Panelo.

(Rosalie Coz | UNTV News)



Tags: , ,