Malacañang, tiwalang maipapasa ngayong buwan ang 2019 Proposed National Budget

by Jeck Deocampo | December 3, 2018 (Monday) | 2563

Manila, Philippines – Ilang araw na lamang ang nalalabi sa Senado upang pag-aralan at busisiin ang ₱3.575 trillion 2019 proposed national budget o ang 2019 General Appropriations Bill bago ang nakatakdang adjournment ng session sa ika-14 ng Disyembre.

 

Sa kabila nito, tiwala pa rin ang Malacañang na maipapasa pa rin ang panukalang pondo bago matapos ang taon.

 

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, nangako na ang mga senador na kaalyado ng administrasyon na magdo-double time sa deliberasyon sa proposed national budget lalo na’t ang publiko naman ang makikinabang sa pagpapasa ng panukalang batas.  Una nang nabanggit ng Duterte administration na target malagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang 2019 GAA sa ikatlong linggo ngayong buwan.

 

Hinggil naman sa napaulat na budget insertions, ipinauubaya na ng Palasyo sa Kongreso na siyasatin ito dahil ito naman ang mandato ng mga mambabatas.

 

Samantala, kaugnay naman sa usapin ng pederalismo at charter change, nauunawaan naman ng Palasyo kung hindi ito prayoridad sa ngayon ng Senado. Una nang napaulat na sinabi ng pamunuan ng upper chamber na wala na silang panahon ngayon para pagtuunan ng pansin ang federal charter.

 

 

Ayon sa tagapagsalita ng Pangulo, nananatiling prayoridad ng Duterte administration ang pederalismo. Subalit dahil kinakailangang tutukan ngayon ng Senado ang budget para sa susunod na taon, inaasahan na mahaharap ng upper chamber ang usapin sa pederalismo pagkatapos na maipasa ang panukalang pambansang pondo.

 

Ulat ni Rosalie Coz | UNTV News

Tags: , , ,