METRO MANILA – Nasa tahanan niya sa Davao City si Pangulong Rodrigo Duterte kasama ang kaniyang anak na si Veronica nang tumama ang Intensity Five na lindol sa Davao City at magnitude 6.9 na lindol sa Davao Del Sur Linggo (Dec.15) ng hapon.
Dahil sa lakas ng pagyanig, may mga istruktura ang nasira at gumuho sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao.
Tiniyak ng Malacañang na di naman nasaktan at nasa maayos na kalagayan ang Punong Ehekutibo at pamilya nito matapos ang lindol.
Samantala, siniguro rin ng palasyo na nakatutok sa sitwasyon ang executive branch sa pamamagitan ng National Disaster Risk Reduction And Management Council (NDRRMC).
Inatasan din ang lahat ng ahensya ng pamahalaang tumugon at agad na magbigay ng kinakailangang ayuda sa mga naapektuhang residente.
Pinakikiusapan naman ng tanggapan ng Punong Ehekutibo ang publiko na manatiling kalmado at alerto dahil sa mga inaasahang aftershocks.
Nagpaalala rin ang pamahalaang iwasang magkalat ng mga maling impormasyon na maaaring magdulot ng alarm at panic sa mga apektadong komunidad.
Noong Oktubre at Nobyembre, 4 na malalakas na lindol ang naranasan sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: Davao Del Sur, earthquake