METRO MANILA – Nagbigay ng assurance ang Malacañang na ligtas at epektibo ang bakuna kontra Covid-19 na likha ng Chinese firm Sinovac batay sa mga naging trials.
Ayon pa kay Presidential Spokesperson Harry Roque, kahit mai-deliver na rin sa bansa ang Sinovac vaccine, kinakailangang maaprubahan muna ito ng Food and Drug Administration (FDA) bago pahintulutang magamit ng publiko.
Nabanggit din nito ang posibilidad na magpaturok si pangulong rodrigo duterte ng chinese vaccine.
“There’s nothing spectacular about Sinovac other than it has been proven safe, and efficient, 91.5% in at least 3 jurisdictions that we know of. At kung tatanungin ninyo po ang vaccinologists, inactivated po yan, ibig sabihin, natural. Ito po ay pinahirang virus which is a traditional vaccines that we have known for the past 300 years” ani Presidential Spokesperson Harry Roque.
May sigurado nang 25-M doses ng Sinovac Covid-19 vaccines ang Pilipinas.
Inaasahang darating sa bansa ang unang 50-K doses sa Pebrero bukod pa sa 15 libong doses na gagamitin sa clinical trials sa bansa.
Bago matapos ang 2021, inaasahang makukumpleto ang Chinese vaccines sa bansa.
Ayon sa Malacañang, hindi makakapili ang mga Pilipino ng Covid-19 vaccine na nais nilang matanggap.
Ito ay sa dahil hindi natin kontrolado kung alin sa mga aaprubahang bakuna ang unang darating.
Sa pulse asia survey result, halos kalahati ng mga pilipino ang ayaw magpaturok ng bakuna dahil sa safety concerns.
“Walang pilian, hindi naman natin makokontrol kung ano ang darating, at libre po ito, there is such a thing as a waiver of a right. Totoo po, mayroon tayong lahat na karapatan sa mabuting kalusugan, pero hindi naman po pwedeng pihikan dahil napakadaming pilipino na dapat turukan” ani Presidential Spokesperson Harry Roque.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: COVID-19 Vaccine