Malacañang, tinawag na desperado at malisyoso ang isang american show na tumuligsa kay Pang. Duterte

by Radyo La Verdad | May 15, 2019 (Wednesday) | 2190
Screenshot from Patriot Act, YouTube

MALACAÑANG, Philippines – Ginamit umano ng mga naninira laban kay Pangulong Rodrigo Duterte ang American show na “Patriot Act” kung saan ang host ay ang American comedian na si Hasan Minhaj upang pasamain ang imahe ng Punong Ehekutibo at ang kaniyang administrasyon.

Ini-ere ang naturang palabas bago ang 2019 midterm elections noong Lunes kung saan tinawag na autocrat si Pangulong Duterte.

Ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar, desperado at malisyoso ang programang ito.

Pinabulaanan din nito ang bilang na binanggit sa programa na may 27 libo umanong nasawi sa anti-drug war ng administrasyon dahil batay sa opisyal na ulat ng panahon, mayroong higit limang libong drug personalities ang namatay sa anti-drug operations mula July 2016 hanggang November 2018.

Samantalang higit 160 libo naman ang sumuko s amga otoridad.

Ikinagalit ni Andanar ang umano’y maling datos na ipinapakalat sa programa.

Iginiit din ng opisyal na suportado ng maraming Pilipino ang anti-drug war ng administrasyon dahil sa pagiging epektibo nito.

Samantala, ipinagtanggol din ng opisyal ang pag-eendorso ng mga kandidato ni Pangulong Duterte sa senado subalit taumbayan pa rin ang mamimili ng kanilang iluloklok dahil ang Pilipinas ay isang demokrasyang bansa.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , ,