Malacañang, susuportahan ang pagsasampa ng kaukulang kaso VS. Former PNP Chief Albayalde kung may matibay na ebidensya

by Erika Endraca | October 16, 2019 (Wednesday) | 15519

METRO MANILA, Philippines – Maituturing na national disappointment para sa Administrasyong Duterte kung di masasampahan ng kaukulang kaso ang mga tinatawag na ninja cops o mga pulis na sangkot umano sa Agaw-Bato Incident o pagre-recylce ng nakumpiskang iligal na droga sa Pampanga Anti-Illegal Drug Operation noong 2013.

Ito ay ayon kay Senator Richard Gordon, ang tagapanguna sa Senate Blue Ribbon and Justice and Human Rights Committee na nag-iimbestiga sa naturang kontrobersya.

Una nang isinasangkot ng mga accuser na protektor umano at may kinalaman sa naturang operasyon ang bumaba sa pwestong Philippine National Police (PNP) Chief Police General Oscar Albayalde.

Ayon din sa mambabatas, pagkakataon na ito para ipakita ni Pangulong Rodrigo Duterte na wala siyang kinikilingan kahit pa sa mga una niyang pinagkatiwalaan kung nasasangkot sa katiwalian at iregularidad.

Subalit ayon sa palasyo, nakahanda namang suportahan ang pagsasampa ng kaso laban sa dating hepe ng PNP at iba pa kung may matibang na ebidensyang maihahain laban sa kanila.

Tuloy naman ang imbestigasyon ng Department of  the Interior And Local Government (DILG) kung may administrative liability si Albayalde. Si Pangulong Duterte mismo ang nagsabing hihintayin niya ang resulta at rekomendasyon ng DILG hinggil sa isyu.

Sakaling may matibay ding ebidensya, posibleng masampahan din ng criminal case si Albayalde. Samantala, wala pang inilalabas na desisyon ang Pangulo hinggil sa nais niyang humalili sa naiwang pwesto ni Aalbayalde.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,