Malacañang, susuportahan ang pagsasampa ng kaso vs former PNP Chief Albayalde kung may matibay na ebidensya

by Radyo La Verdad | October 15, 2019 (Tuesday) | 18536

METRO MANILA, Philippines – Maituturing na national disappointment para sa administrasyong Duterte kung ‘di masasampahan ng kaukulang kaso ang mga tinatawag na ninja cops o mga pulis na sangkot umano sa agaw-bato incident o pagre-recylce ng nakumpiskang iligal na droga sa Pampanga anti-illegal drug operation noong 2013. Ito ay ayon kay Senator Richard Gordon, ang tagapanguna sa Senate Blue Ribbon and Justice and Human Rights Committee na nag-iimbestiga sa naturang kontrobersya.

Una nang isinasangkot ng mga accuser na protektor umano at may kinalaman sa naturang operasyon ang bumaba sa pwestong Philippine National Police Chief Police General Oscar Albayalde.

Ayon din sa mambabatas, pagkakataon na ito para ipakita ni Pangulong Rodrigo Duterte na wala siyang kinikilingan kahit pa sa mga una niyang pinagkatiwalaan kung nasasangkot sa katiwalian at iregularidad.

Subalit ayon sa Palasyo, nakahanda namang suportahan ang pagsasampa ng kaso laban sa dating hepe ng PNP at iba pa kung may matibay na ebidensyang maihahain laban sa kanila.

 “The President is the number 1 enforcer of the law, so if there is evidence against any wrong doing, then it behooves the government to file and prosecute,” ani Sec. Salvador Panelo, Presidential Spokesperson and Chief Presidential Legal Counsel.

Tuloy naman ang imbestigasyon ng Department of the Interior and Local Government kung may administrative liability si Albayalde.

Si Pangulong Duterte mismo ang nagsabing hihintayin niya ang resulta at rekomendasyon ng DILG hinggil sa isyu.

Sakaling may matibay ding ebidensya, posibleng masampahan din ng criminal case si Albayalde.

“It’s the prosecutor who will determine the existence of the probable cause,” dagdag ni Sec. Salvador Panelo.

Samantala, wala pang inilalabas na desisyon ang Pangulo hinggil sa nais niyang humalili sa naiwang pwesto ni Albayalde.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , , , ,