METRO MANILA – Simula pa noong nakalipas na linggo, umaapela na ang mga eksperto gayundin ang pribadong sektor sa pamahalaan na gumawa na ng exit plan sa pandemiya upang maitaguyod ang pagbangon ng ekonomiya.
Kabilang na dito ang pagsasantabi ng alert level system at esktriktong pagpapatupad na lamang ng public health standars laban sa COVID-19.
Subalit ayon sa Malacañang…
“Yung alert level system will continue, to be used and will be implemented by the IATF so patuloy po ang Alert Level System at classifications at protocol po natin” ani Acting Presidential Spokesperson/ Cabinet Secretary Sec. Karlo Nograles.
Nagsimula na ang pamahalaan sa ibayo pang pagluluwag ng COVID-19 restrictions sa pamamagitan ng muling pagbubukas ng borders ng bansa para sa fully vaccinated foreign leisure travelers simula February 10.
Samantala, umapela naman ang palasyo ng disiplina sa publiko sa gitna ng de-escalation ng Metro Manila sa alert level 2.
Simula ngayong araw (February 1), mas maraming negosyo at aktibidad na ang pinahihintulutan sa mas mataas na operating capacities.
Ito ay kahit nakapagtala pa ang Metro Manila ng 39,674 new COVID-19 cases sa huling 14 na araw ayon sa COVID-19 tracker ng Department of Health.
Iginiit ni Acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles na kaya nagluwag sa NCR, bumaba na sa low risk ang total bed utilization samantalang moderate risk naman ang two-week growth rate at average daily attack rate ng COVID-19.
“Patuloy ang ating panawagan na pairalin po natin sa ating sarili ang disiplina at mga kinagawian, isuot ng tama ang face mask, maghugas ng kamay, umiwas pa rin sa masisikip at matataong lugar at magpabakuna” ani Acting Presidential Spokesperson/ Cabinet Secretary Sec. Karlo Nograles.
Mas maraming tao na rin ang maaaring lumabas ng bahay kabilang ang mga menor de edad.
Subalit paalaala ng palasyo, may obligasyon ang mga magulang at guardians sa bahagyang pagluluwag ng kapitolyo sa COVID-19 alert level 2.
Bukod sa Metro Manila, 7 pang probinsya ang nasa ilalim ng COVID-19 alert level 2 hanggang kalagitnaan ng Pebrero.
(Rosalie Coz | UNTV News)