Malacañang sa Kongreso hinggil sa 2019 proposed nat’l budget: kailangang gawin ang trabaho nila

by Radyo La Verdad | November 23, 2018 (Friday) | 3206

Pinangangambahan ngayon na hindi maipapasa sa tamang panahon ang panukalang pambansang pondo para sa taong 2019 o ang 2019 General Appropriations Bill.

Target sana na mapirmahan ni Pangulong Duterte ang panukalang budget sa ikatlong linggo ng Disyembre.

Ngunit ayon kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, sa ika-26 ng Nobyembre pa nila matatanggap ang naipasang budget ng Kamara.

Nangangahulugan na kakaunting araw na lang din ang nalalabi para sa Senado na pag-aralan at busisiin ito bago ang nakatakdang adjournment ng session sa ika-14 ng Disyembre.

Pero iginiit ng Malacañang na kailangang gawin ng Kongreso ang kanilang trabaho para maipasa ang panukalang pondo.

Sa kabila ng posibilidad na magkaroon ng re-enacted budget, kumpiyansa pa rin ang palasyo na maipapasa sa target date ang panukalang pondo para sa susunod na taon.

Tiniyak naman ni Panelo na walang pork barrel sa isinumiteng national budget proposal ng Duterte Administration, lalo na’t ang Kongreso rin ang sumusuri nito.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,