Malacañang: prayoridad ng pamahalaan ang pagkontrol sa inflation

by Radyo La Verdad | September 28, 2018 (Friday) | 5644

Itinanggi ng Malacañang ang alegasyong mas pinagtutuunan ng pansin ng Duterte administration ang pagpapatahimik sa mga kritiko nito sa halip na solusyunan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at iba pang suliraning kinakaharap ng bansa.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, prayoridad sa ngayon ng pamahalaan ang pagkontrol sa inflation. Katunayan ay naglabas pa ng executive order si Pangulong Rodrigo Duterte upang pabilisin ang pag-angkat at distribusyon ng mga produktong pagkain sa merkado.

Ginawa ng Malacañang ang pahayag kasunod ng ulat ng Pulse Asia Survey na pangunahing concern o alalahanin ng nakararaming Pilipino ang usapin ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

63 porsyento ng mga Pilipino ang nagsasabing dapat aksyunan agad ng Duterte administration ang pagtaas ng consumer prices, kasunod ang pagtataas ng sweldo ng mga manggagawa, pagresolba sa kahirapan, paglikha ng mas maraming trabaho, at paglaban sa katiwalian.

Samantalang 3% lang ang nagsasabing dapat asikasuhin ang usapin sa charter change o ang pagpapalit ng Saligang Batas.

Nilinaw naman ng Malacañang na hindi ibig sabihin nito ay hindi na itutuloy ng Duterte administration ang pagsusulong ng pederalismo.

May angkop na panahon aniya para ito ay pagtuunan ng pansin lalo na’t mas marami pang pag-aaral at diskusyon ang kinakailangang gawin hinggil dito.

Samantala, ipinagtanggol naman ng Malacañang ang mga economic manager na nagtungo sa United Kingdom ngayong Linggo para isulong ang infrastructure program ng pamahalaan sa mga British company.

Ayon sa mga kritiko ng administrasyon, hindi aniya napapanahon ang Europe trip ng mga ito dahil sa kinakaharap na mga suliranin sa bansa tulad ng inflation at patuloy na pagbaba ng halaga ng piso kontra dolyar.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,