Malacañang: Pang. Duterte hindi hihingi ng tulong sa mga religious group

by Radyo La Verdad | February 13, 2019 (Wednesday) | 3407

Malacañang, Philippines – Ipinahayag ng Malacañang na hindi lalapit sa mga religious group si Pangulong Rodrigo Duterte upang hingin ang suporta sa mga ini-endorsong kandidato.

Giniit ng Malacañang na ‘di kailanman lumapit si Duterte sa anumang religious groups upang hingin ang suporta sa pagkandidatura noong Alkalde pa lamang siya sa Davao City at nang tumakbo siya sa pagka-Presidente noong 2016.

Hindi rin inaasahang lalapit ang punong ehekutibo upang hingin ang suporta ng mga ito sa ini-endorso niyang mga kandidato para sa 2019 midterm elections.

“I don’t think—wala eh… hindi naman—the president never ask help from any specific religion eh. What he does is he expresses himself and he tells us why he is doing this and that,” pahayag ni Secretary Salvador Panelo, Presidential Spokesperson & Chief Presidential Legal Counsel.

Samantala, upang matiyak naman na magiging maayos, mapayapa at tapat ang magiging halalan sa Mayo, umapela ang Malacañang sa mga kandidato sa 2019 midterm elections na sundin ang mga panuntunan sa halalan.

“We’ll be always, every government, every administration, always appeal to the candidates to strictly observe the election laws. we have to have clean, honest, fair, credible elections,” dagdag ni Panelo.

Tiniyak ng palasyo na di naman gagamit ng government source si Pangulong Duterte sa pag-eendorso ng mga kandidato at simpleng verbal endorsement lang ang gagawin ng Punong Ehekutibo.

Samantala, kung may mananalo namang opposition candidate sa halalan, paniwala ng Malacañang, ‘di ito nangangahulugang walang silbi ang endorsement power ng Punong Ehekutibo. “It only means when opposition candidate wins, it means an expression of the electorate telling them that we are putting you there to cooperate with this administration because we believe in this presidency, and not you to destabilize it,” pahayag ni Panelo.

Tags: , , ,