Malacañang, nilinaw ang pahayag ni Pang. Duterte kaugnay ng COVID-19 vaccine

by Radyo La Verdad | January 25, 2022 (Tuesday) | 13426

Nagsalita ang Malacañang kaugnay ng kumakalat na video clip ni Pangulong Rodrigo Duterte patungkol sa Covid-19 vaccine.

Ang pahayag ay ginawa ng Pangulo noon pang September 30, 2021 sa kaniyang public address.

Ginagamit umano ito ng ilang grupo upang mangampanya laban sa Covid-19 booster shots.

“Tama na ‘yang dalawang doses. ‘Wag ninyong sobrahan, delikado. At alam mo, when you do that in multiple, hindi ka magsabi ng totoo, you deprive your countrymen, the others na hindi pa, sa isang bakuna na maibigay doon sa kapwa mo tao. Ganoon ‘yan eh. ‘Pag masyado kayo, mayroong iba may second, third, fourth, fifth. Hindi naman kailangan. And it does not add really to the full protection of your body. You can even get contaminated again”, pahayag ni Pangulong Duterte sa kumakalat ng video.  

Subalit paliwanag ng Palasyo, ginawa ng Punong Ehekutibo ang pahayag sa panahong nasa 21 milyon pa lang ang fully vaccinated sa bansa at prayoridad pa noon na mapaigting ang Covid-19 vaccination. Hindi pa rin aprubado noon ang booster shots.

Giit ni Sec. Nograles, iba na ang sitwasyon ngayon dahil marami nang suplay ng bakuna at marami na rin ang nakakumpleto ng vaccine.

Aprubado na rin ang Food and Drug Administraton ang booster doses para sa fully vaccinated at may ebidensyang nagpapakitang nakapagbibigay ito ng dagdag proteksyon laban sa virus.

Kaya naman nanawagan ang Palasyo sa publiko na iwasan ang pagkakalat ng mga maling impormasyon na maaaaring makapinsala sa buhay ng mga kababayan at makaapekto sa hakbang ng pamahalaan upang ma-contain ang Covid-19.

Sa kasalukuyan, sa 57.2 million na mga kababayang naka-kumpleto na ng Covid-19 vaccine dose, 6.2 million na ang boosted.

Rosalie Coz | UNTV News

Tags: , ,