Malacañang, naniniwalang magkakaroon ng pagtaas sa sahod ng mga guro

by Radyo La Verdad | March 25, 2022 (Friday) | 2077

METRO MANILA – Naniniwala ang Palasyo na magkakaroon ng pagtaas ng sahod para sa mga guro sa gitna ng nararanasang pandemya.

Ayon kay Acting Presidential Spokesperson at Presidential Communications Sec. Martin Andanar, makikipag-ugnayan ang pamahalaan kay Department of Education Secretary Leonor Briones tungkol sa planong pagtaas ng sweldo.

Dagdag pa ni Andanar, mahal ng pangulo ang mga guro kaya naniniwala itong magkakaroon ng pagtaas sa sahod para sa kanila.

Noong Marso 2021, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na naantala ang planong taasan ang sahod dahil sa COVID-19 pandemic ngunit patuloy naman ang paglikom ng pondo nang sa gayo’y maibigay na sa mga guro ang dagdag-pasahod.

Matatandaang pinakamalaki ang pondong itinaas sa sektor ng edukasyon batay sa inaprubahang 2022 national budget na may P788.5 milyon na kung saan inaasahang gagamitin ito sa mga reporma at mga programang pang-edukasyon.

(Daniel Dequiña | La Verdad Correspondent)

Tags: