Malacañang, nanawagan na patuloy pagkatiwalaan si Pangulong Duterte

by Jeck Deocampo | January 21, 2019 (Monday) | 49151

METRO MANILA, Philippines – Umaasa ang 48 porsyento ng mga Pilipino na matutupad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga ipinangako nito sa bayan mula nang maupo ito sa pwesto.

Batay ito sa survey result na ginawa ng Social Weather Stations (SWS) mula ika-16 hanggang 19 Disyembre ng nakaraang taon sa pamamagitan ng 1,440 respondents sa buong bansa.

Ibig sabihin, tinatayang nasa lima sa bawat sampung Pilipino ang umaasang maisasakatuparan ang lahat o karamihan sa mga pangako ng Punong Ehekutibo. 13 porsyento sa mga ito ang nagsasabing lahat o halos lahat ng pangako ay matutupad. Samantalang 35 porsyento ang naniniwalang karamihan ng campaign promises ay maisasakatuparan.

46 percent naman ang sumagot na ilan lang sa mga pangako ang matutupad samantalang anim na porsyento ang nagsabing halos wala o walang matutupad si Pangulong Duterte.

Nagpasalamat naman si Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa patuloy na pagtitiwala ng sambayanan na kayang gawin ni Pangulong Duterte ang tunay na pagbabago sa bansa.

Sa isang pahayag, sinabi ng Malacañang na ang resulta ng survey ay dahil sa maigting ng kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga at kriminalidad.

Nanawagan din ang Duterte administration sa publiko na patuloy na magtiwala sa Pangulo sa natitirang termino nito. Aniya, seryoso ang pamahalaan na maisakatuparan ang pagkakaroon ng komportable at ligtas sa krimen na pamumuhay para sa mga Pilipino.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , , , , , ,