Malacañang, nakiusap sa mga militanteng grupo na huwag magsagawa ng mga kilos-protesta sa gitna ng pandemiya

by Erika Endraca | October 23, 2020 (Friday) | 1929

METRO MANILA – Iginiit ng Malacañang na bawal pa ang mass gathering at limitado lamang sa 10 tao ang maaaring magkatipon.

Ito ay kasunod ng ginawang kilos-protesta noong Miyerkules sa Mendiola na tinawag ng mga raliyistang National Day of Defiance.

Nakiusap si Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque sa mga militanteng grupo na huwag magsagawa ng mga ganitong pagkakatipon sa gitna ng pandemiya.

“Ang aking pakiusap lang po, panahon po ng Covid at kahit kayo po ay lumalaban at kalaban ng gobyerno, pinangangalagaan po namin ang inyong kalusugan. So ang pakiusap po, sundin natin, hanggang sampung tao lang po ang pagtitipun-tipon dahil ayaw po namin kayong magkasakit.” ani Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque.

Nilinaw naman ng palasyo na garantisado pa rin ang karapatan ng malayang pananalita sa bansa. Subalit, responsable pa rin ng pamahalaang pangalagaan ang kalusugan kahit ng mga tumutuligsa at mga lumalaban sa gobyerno kung sila’y mahahawa ng Coronavirus Disease 2019.

“Maski kayo po ay walang ginawa kung hindi labanan ang gobyerno, Pilipino pa rin po kayo at may obligasyon pa rin kaming isalba kayo kung kayo’y magkakasakit. Make it easier for everyone po, huwag pong magtipun-tipon.” ani Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,