METRO MANILA – Nabanggit ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang posibilidad na mailagay sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang National Capital Region dahil madadagdag aniya ang critical care capacity sa kapitolyo bunsod ng ilulunsad na 250-bed capacity sa East Avenue Medical Center.
Dagdag pa rito, ang pagpapahintulot na magamit ang public schools bilang isolation at quarantine facilities.
Gayunman, nilinaw naman ng opisyal na remote possibility ito dahil malayo pa sa kinakailangang bilang ng araw ang case doubling rate ng coronavirus sa NCR.
Sa Martes, August 18 na mapapaso ang umiiral na Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa Metro Manila, Bulacan, Rizal, Cavite at Laguna.
Ayon kay Presidential Spokeperson Harry Roque, sa lunes nakatakdang ianunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang bagong quarantine classification sa NCR at iba pang probinsya.
“Ang aking prediction po, huwag lang lumala iyong case doubling time, mag-improve pa sana nang konti baka mayroon pang possibility na mag-MGCQ na dahil napakalaki na ng critical care capacity ng METRO MANILA with the additional 250-bed capacity to the existing 1,500 lang naman na icu ‘no, i’m talking of icu ‘no.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.
Itinanggi naman ng Duterte administration na ang pagtatalaga ng mga miyembro ng Inter-Agency Task Force sa mga lugar para magmonitor sa mga mataas ang community transmission ay dahil sa inability ng mga lokal na pamahalaan.
Partikular na ang 16 na siyudad at isang munisipalidad sa Metro Manila, gayundin ang mga probinsya ng Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.
Ayon naman sa Duterte administration, bahagi ito ng pagpapaigting ng pagresponde kontra covid-19 at bilang pagbibigay suporta ang mga lokal na pamahalaan.
“di po yan mensahe na may problema ang mga LGU’s , ito po ay mensahe na kung ano pa ang kinakailangan ng mga local na pamahalaan, narito po ang national government, narito po ang National IATF para tumulong”ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.
“Ito po ay nakita po natin na iyong mga mayors po talagang ginagawa po nila ang kanilang mga tungkulin. At ito lang po ang gagawin po natin na parang tinatawag po natin na parang big brother natin at big sister iyong ating mga cabinet members mas maganda po talaga na mayroon po talagang mayroong tinatawag nating closely nagsu-supervise po sa baba para po ang ano po natin, mapaigting po natin hanggang po sa barangay.” ani NTF vs COVID-19 Chief Implementer, Sec. Carlito Galvez.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: Metro Manila, Quarantine