Malacañang, may 2 whistleblowers at ebidensya kaugnay sa kwestyonableng MRT 3 maintenance deal

by Radyo La Verdad | March 9, 2018 (Friday) | 3837

May nakalap ng mga ebidensya ang Malakanyang kaugnay sa kung sino ang mga nakinabang sa maintenance deal ng MRT noong nakalipas na administrasyon.

Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, dalawang whistleblowers rin ang lumapit sa kaniya at nagsabing pinagparte-partehan umano noon ang bayad sa maintenance contract.

Napunta umano ang bahagi ng pondo sa tinatawag na Pangasinan group at pambayad sa political machinery, habang ang natitirang bahagi ng pondo lang ang ibinabayad sa maintenance ng MRT.

Ayon kay Roque, isusumite niya sa National Bureau of Investigation at sa Department of Justice ang nakuha niyang mga ebidensya.

Bukod dito, ipinangako rin ng kalihim na sa mga susunod na linggo ay ihahayag niya ang mga impormasyong kaniyang nakalap hinggil sa umano’y maanomalyang maintenance contract ng nakalipas na administrasyon sa Busan Universal Rail Incorporated o BURI.

Itinanggi naman ni Roque na kasama sa mga whistleblower na lumapit sa kaniya si dating MRT General Manager Al Vitangcol.

Umaasa din ang opisyal na nagsasagawa na ng sariling imbestigasyon ang Office of the Ombudsman matapos na maisumite sa kanila ang plunder at graft complaints laban sa mga dating opisyal ng nakalipas na administrasyon noon pang nakalipas na taon.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,