Malacañang kay “Bikoy”: Patunayan ang alegasyon at magsumite ng ebidensya

by Radyo La Verdad | May 23, 2019 (Thursday) | 4816

MALACAÑANG, Philippines – Tumanggi ang Palasyo na magbigay ng assessment sa kredibilidad at ginawang pagbaliktad ni Peter Joemel Advincula alyas “Bikoy”.

Si Advincula ay dating umamin na nasa likod ng “Ang Totoong Narcolist” videos na nagdadawit sa pamilya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kalakalan ng iligal na droga.

Ayon kay Presidential Spokepserson Salvador Panelo, dapat munang magsumite ng ebidensya si Advincula upang patunayan ang kaniyang mga alegasyon lalo na sa mga isinasangkot nitong personalidad.

Ipinauubaya na rin ng Palasyo sa Philippine National Police at Department of Justice ang pagsasampa ng kaso laban kay Advincula kung may nalabag itong batas.

 “We will have to wait for “Bikoy” or Advincula to substantiate his charges and after that we’ll see if there are charges to be filed in court then the truth will come out. As I said repeatedly, no matter how you close, you cover, truth will always come out.” Ayon kay Sec. Salvador Panelo.

Tahasan namang itinanggi ng Malacañang ang alegasyon ni opposition Senator Antonio Trillanes na paraan na naman ito ng Duterte administration upang gipitin ang oposisyon.

 “In the first place the opposition has been harassing this government, this administration. They are the ones sowing intrigues as we repeatedly said.” Dagdag ni Sec. Salvador Panelo.

Magkakaiba naman ang reaksyon ng mga personalidad na idinawit ni alyas “Bikoy” sa iligal na droga sa “Ang Totoong Narcolist” videos.

Ayon kay dating Davao City Vice-Mayor at ngayo’y Congressman-elect Paolo Duterte, dapat nang imbestigahan ang mga alegasyon ni alyas “Bikoy” lalo’t marami na umanong pangalan ang sangkot sa isyu.

Walang duda rin aniyang si Senator Trillanes nga ang nasa likod ng paglutang ni alyas “Bikoy” gaya ng sinabi niya noon.

Para naman kay Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, isang scam si “Bikoy” na nilikha ng mga kalaban ng Duterte administration.

Kinutya rin ng Presidential daughter ang lider ng grupo dahil inutil aniya ang utak nito.

Si Senator-elect Bong Go naman na unang dinawit ni “Bikoy” sa operasyon ng iligal na droga, hindi na ikinagulat ang pagbaligtad ni “Bikoy”.

Pinatatawad na rin niya si “Bikoy” pero ipinauubaya na niya sa mga otoridad ang pananagutan nito sa batas.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , ,