Malacañang, itinangging may monopolya ang Nat’l government sa Covid-19 vaccine procurement

by Erika Endraca | January 13, 2021 (Wednesday) | 1238

METRO MANILA – Hindi pinipigilan ng administrasyon ang mga lokal na pamahalaan na magkaroon ng kasunduan sa pagkakaroon ng suplay ng bakuna kontra Covid-19.

Ngunit ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, dapat gawin ito sa pamamagitan ng tripartite agreement kung saan kabilang sa kasunduan ang national government, mga Local Government Unit (LGU) at vaccine manufacturers.

Partikular na ang agreement para sa advance purchase ng bakunang likha Ng Astrazeneca-Oxford University kung saan ang mga lokal na pamahalaan ang gagastos sa pagbili ng bakuna.

Paliwanag ng Malacañang hindi ito monopoly.

Ang Astrazeneca ay kabilang sa Covax facility, ang kasunduang pinangungunahan ng World Health Organization (WHO) kung saan nakikibahagi rin ang Pilipinas upang maisulong ang tiyak na access sa Covid-19 diagnostics, treatments at vaccine.

“So malinaw po ‘no na hindi po natin ipinagbabawal; wala pong monopoliya ang national government sa pagbili ng mga bakuna. Sa kasunduan na kinuha po namin, at ito po iyong model contract na pinipirmahan ng mga lokal na pamahalaan kasama ang Astrazeneca, ang national government at ang Department Of Health, sila ang bumibili; sila ang nagbabayad;” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Sa ilalim ng tripartite agreement, ang LGUs ang magpapatupad ng Covid-19 vaccination plan na nakabatay sa national immunization program ng national government.

Ibig sabihin, dapat sundin ang panuntunan sa pagbabakuna na isinusulong ng national task force kontra Cvid-19.

Samantala, tiniyak naman ng palasyo sa mga lokal na pamahalaan na walang pondo upang bumili ng bakuna, sagot sila ng gobyerno.

“Gobyerno pong nasyunal ang bibili ‘no. Uulitin ko po, hindi naman kinakailangan na ang mga lokal na pamahalaan ay gumastos ng sarili nilang pondo. Pero kung gusto po nilang gastusin ang sarili nilang pondo, hindi po tututol ang national government dahil iyan naman po ay tulong din sa bansa – imbes na utangin eh babayaran na po.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: