Malacañang, itinangging may memorandum na inilabas si Pangulong Duterte na nagpapahinto ng loans at pakikipagnegosasyon sa mga bansang sumuporta sa Iceland Resolution

by Erika Endraca | September 23, 2019 (Monday) | 10839
PHOTO : Presidential Communication Commission

MANILA, Philippines – Lumabas kamakailan para sa mga tagapanguna ng kagawaran at maging mga ahensya, government-owned and/or controlled corporations at financial institutions ang isang confidential memorandum na may petsang August 27, 2019 mula sa tanggapan ni Executive Secretary Salvador Medialdea.

May subject itong suspension ng pakikipagnegosasyon at pagpirma sa lahat ng loan at grant agreements sa lahat ng bansang sumuporta sa pagsusulong ng July 11,  2019 resolution ng United Nations Human Rights Council.

Matatandaang 17 bansa ang sumuporta sa resolusyong isinulong ng bansang Iceland upang imbestigahan ang anti-drug war ng Duterte Administration sa isinagawang 41st regular session ng UNHCR noong June to July 2019.

Batay pa sa naturang memo, mananatili ang direktibang ito hangga’t di binabawi ng tanggapan ng executive secretary. Subalit, itinanggi ng malacañang na galing ang kautusan na ito mula kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Mismong si Presidential Spokesperson Salvador Panelo aniya ang nagtanong sa punong ehekutibo at itinanggi ng punong ehekutibo na pinasususpinde niya ang loans at negotiations sa naturang 18 bansa. Una nang sinabi ng palasyo na hindi nito itinuturing na legally binding ang Iceland resolution.

( Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , ,