Manila, Philippines – Kumalat muli kahapon May 19 sa social media ang bali-balita na isinugod sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan city si Pangulong Rodrigo Duterte at inilagay sa code blue alert status ang ospital.
Code blue alert ang status sa ospital pag may isinusugod na pasyenteng na- cardiac o respiratory arrest. Pinabulaanan naman ng malacañang ang ulat na ito.
Batay kay Executive Secretary Salvador Medialdea, walang katotohanan ang naturang report. Sa isa namang pahayag, sinabi ni Presidential Spokeperson Salvador Panelo na nasa palasyo ang punong ehekutibo at lumalagda ng mga papeles.
Nagkausap din aniya sila ni Pangulong Duterte at di nito kinumpirma o itinanggi ang report na nagpunta ito ng ospital. Hamon naman ng longtime partner ng Pangulo na si Ms. Honeylet Avanceña, halughugin ang lahat ng kwarto sa Cardinal Santos Medical Center.
Samantala, Upang ipakita naman ang kasalukuyang estado ng pangulo, nagpadala ng mga larawan si dating Special Assistant to the President Bong Go kasama ito.
Nasa official residence niya ito sa bahay pangarap sa Malacañang at nagbabasa ng mga pahayagang may petsa kahapon, Mayo a-19. Huling public event ni pangulong Duterte nang bumoto ito sa Matina, Davao City para sa 2019 midterm elections noong May 13, araw ng Lunes.
(Rosalie Coz | Untv News)
Tags: Code Blue Alert, hospital, Malacañang, President Rodrigo Duterte