Hindi seryoso si Pangulong Rodrigo Duterte nang sabihin nitong ang kasalanan lang niya ay extrajudicial killings (EJK) ayon sa Malacañang.
Ipinahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa isang radio interview na ang statement ng Pangulo ay hindi self-incriminating dahil hindi naman aniya ito sinumpaang salaysay.
Playful lang aniya ang punong ehekutibo sa kaniyang mga salita at binibigyang-diin na hindi siya corrupt o nagnanakaw ng pera ng taumbayan.
Ipinaliwanag din ni Chief Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo ang sinabi ni Pangulong Duterte. Ibig sabihin aniya ng Presidente ay ang isyu lang aniya ng EJKs ang tanging ipinupukol laban sa kaniya.
Dagdag pa ni Panelo, dapat na ikunsidera ang Visayan dialect ng punong ehekutibo.
Ayon naman kay United Nations Special Rapporteur on Extrajudicial Executions Agnes Callamard, extraordinary statement ang ginawa ni Pangulong Duterte na may translation na ang tanging kasalanan nito ay pagpataw ng pagdurusa sa libo-libong pamilya, pagsusulong ng tiwaling police power at pagwasak sa rule of law.
Kabi-kabila ang pagtuligsa sa anti-drug war ng administrasyong Duterte hindi lang sa Pilipinas, kundi maging sa international community dahil sa libo-libong anti-drug war related killings.
Nanawagan naman sa International Criminal Court (ICC) si former Solicitor General Florin Hilbay na aksyunan ang pag-amin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kaso ng EJKs sa ilalim ng kaniyang administrasyon.
Ayon kay Hilbay, dapat ituring ng ICC ang pahayag ng Pangulo na formal and public admission of guilt at kailangang aksyunan agad.
Nahaharap sa crimes against humanity charges ang Pangulo sa ICC dahil sa umano’y mass murder ng mga suspek at kriminal sa ilalim ng kaniyang pinasimulang kampanya kontra iligal na droga.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )
Tags: EJK statement, Malacañang, Pangulong Duterte