Malacañang, iginiit na walang dapat ikabahala sa kalusugan ni Pangulong Duterte

by Radyo La Verdad | December 7, 2018 (Friday) | 13520

Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang naghayag na muli siyang bumisita sa ospital kahapon upang ipasuri ang kaniyang dugo.

Ginawa ng punong ehekutibo ang pahayag nang pangunahan nito ang pagdiriwang sa ika-85 anibersaryo ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Pasay City kahapon.

Isang mabisang uri ng pagtukoy sa kondisyon o karamdaman na isinasagawa sa laboratoryo ang pagsusuri ng dugo o blood test ng isang tao. Kahit na sino ay maaaring sumailalim sa pagsusuri ng dugo lalo na kung may rekomendasyon ng doktor.

Ayon sa tagapagsalita ng punong ehekutibo na si Secretary Salvador Panelo, regular blood test lang ang ginawa kay Pangulong Duterte.

Tumanggi naman ang punong ehekutibo na idetalye ang dahilan ng pagpapa-blood test nito subalit iginiit na regular na niya itong ginagawa.

Noong Oktubre, inihayag ni Pangulong Duterte na kinakailangan niyang sumailalim sa ilang medical procedures tulad ng biopsy, subalit nagnegatibo naman sa sakit na cancer.

Gayunman, inamin nitong lumala ang sakit niyang barrett’s esophagus dahil sa kaniyang bisyong pag-inom ng alak.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,