Malacañang, iginiit na nasa 1st wave ng Covid-19 infections ang bansa

by Radyo La Verdad | May 21, 2020 (Thursday) | 1845

METRO MANILA – Humingi ng paumanhin ang Malacañang sa pagkalito at pangambang naidulot ng pahayag ni Health Secretary Francisco Duque III sa publiko na nasa second wave na ang bansa ng Coronavirus infections.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, gaya ng mga abugado, na bagaman iisa ang datos na pinagbabatayan, magkakaiba ang interpretasyon o ang pagkakabasa maging sa medisina.

Subalit iginiit ng Duterte administration na nasa first wave pa lang ang Pilipinas ng Covid-19 infections at nagsisimula nang mag-flatten ang curve.

“Nagpapatuloy po ang first wave. Katunayan, nagpatuloy ito sa buwan ng Pebrero na may kaunting kaso na nareport at lumubo sa buwan ng March, patuloy pong lumubo yan hanggang sa buwan ng Mayo kung saan nakikita natin ngayon na bumababa na,” Sec. Harry Roque, Presidential Spokesperson.

Ayon kay Roque, hindi dumaan sa protocol si Health Secretary Duque na iparating kay Pangulong Duterte kaugnay ng naging interpretasyon nito na second wave.

Subalit ayon sa opisyal, ang importante aniyang dapat pagtuunan ng pansin ng pamahalaan at publiko ngayon—mapigilan ang pagkakaroon ng second wave o muling pagtaas ng coronavirus infections.

“Ang pagiiba ng opinyon ay doon sa first or second wave, ang importate, maiwasan po ang pagbabalik ng malawakang numero ng magkakasakit sa Covid-19 at nagkakaisa po ang gobyerno na gagawin ang lahat ng hakbang upang maiwasan ang second wave,” Sec. Harry Roque, Presidential Spokesperson.

(Rosalie Coz)

Tags: ,