Malacañang, hinikayat ang mga maliliit na negosyante na i-avail ang alok na pautang ng gobyerno para sa 13th month pay

by Erika Endraca | October 29, 2020 (Thursday) | 4574

METRO MANILA – Labag sa batas ang pagpapaliban sa pagbibigay ng 13th month pay sa mga manggagawa.

Ito ngayon ang pinoproblema ng maliliit na negosyante na hindi pa nakaka-recover sa epekto ng Covid-19 pandemic.

Una nang sinabi ng palasyo na hindi na kaya ng gobyerno na magbigay ng subsidiya para sa 13th month pay kaya sa halip na subsidy, pautang na lamang ang iniaalok nito.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nakapag identify na ang pamahalaan ng mga rural bank at sa Small Business Corporation (SBC) para sa pautang.

P10-B ang para sa SBC – 6 na Bilyon dito ay sa tourism businesses at P4-B sa micro, small and medium enterprises.

Nangangamba naman ang Employers Confederation of the Philippines na ilang maliliit na negosyante ang hindi makakapagbigay ng collateral o kaya naman ay takot na magbayad ng mataas na interest sa pagkuha ng loans.

Ayon kay Sergio Ortiz-Luiz Junior, hinihiling nila sa gobyerno na pagaanin ang mga hinihinging requirements para sa iniaalok na pautang.

“We requested for a loan na interest-free at saka yung walang collateral only so those who want to pay 13th month pay. Pwede na yun. Ok na ok yun.” ani ECOP President, Sergio Ortiz-Luiz Jr.

Ayon naman kay Alan Tanjusay, Spokesperson ng TUCP, malaking bagay na maibigay ang 13th month pay sa mga empleyado lalo na ngayong may pandemya.

Dagdag pa nito, makatutulong din ito para lalo pang mapasigla ang ekonomiya ng bansa.

“Malaking bagay yung 13th month payment na binubuhos nabubuhay yung mga negosyo, nabubuhay yung manggagawa at maraming mga industriya ang talagang nakikinabang.” ani TUCP Spokesperson, Alan Tanjusay.

(Vincent Arboleda | UNTV News)

Tags: ,