Malacañang, hinihintay ang pinal na resulta ng imbestigasyon sa Recto Bank incident

by Radyo La Verdad | June 17, 2019 (Monday) | 3523

Malacañang, Philippines – Hindi pa mai-detalye ng Malacañang ang susunod na hakbang nito kaugnay ng kahihinatnan ng pakikitungo sa China sa isyu ng ramming incident sa Recto Bank.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, hinihintay pa ang pinal na resulta ng imbestigasyon ng Philippine at Chinese authorities sa insidente lalo na’t itinatanggi ng kapitan ng Chinese vessel ang alegasyong sinadya ang pagbangga sa Filipino vessel at inabandona nila ang mga Pinoy na mangingisda nang lumubog ang sasakyang pandagat ng mga ito.

Ito rin ang dahilan kung bakit wala pang public statement mismo si Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng isyu.

“That’s why the President is not saying anything, as a lawyer, abugado ito, kaming mga abugado, we wait for the facts to come in, all the facts. Ang nangyari kasi dun, it’s a maritime case , or an ordinary case involving adversarial claims, may version yung isa, may version yung isa, so we have to know the facts, we can determine anong dapat gawin natin, until such time, premature lahat yung mga statements ng iba, masyadong premature, let’s wait.”  Ani Presidential Spokesperson Salvador Panelo.

Sa ngayon, nakuha na ng Defense Department ang sinumpaang salaysay ng 22 Pilipinong mangingisdang biktima ng insidente.

Hindi pa nakakausap ng pamahalaan ang mga Vietnamese fishermen na sumagip sa mga Pinoy na mangingisda nang lumubog ang kanilang bangka.

Sa tanong kung pinamamadali ba ang resulta ng imbestigasyon, ang tugon ng palasyo. “Hindi ganuon kadali ang nagiimbestiga, we have to wait, we cannot be pressuring both sides to make an immediate finding.” Ayon Sec. Salvador Panelo, Presidential Spokesperson & Chief Presidential Legal Counsel.

Samantala, nabanggit naman ng Palasyo na may posibilidad ding makipagpulong si Pangulong Duterte sa mga mangingisdang sakay ng Fb Gem Vir.

Nanindigan naman ang Duterte administration na hindi maaaring maging alipin ng anumang bansa ang Pilipinas.

Sagot ito sa tanong ng isang mangingisdang biktima ng ramming incident kung alipin ba tayo ng China.

 “we can never be slaves to anyone.” Dagdag pa ni Sec. Salvador Panelo Presidential spokesperson & Chief Presidential Legal Counsel.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , ,