Malacañang, hihintayin ang rekomendasyon ng militar at pulisya kung palalawigin pa ba ang batas militar sa Mindanao o hindi na

by Radyo La Verdad | October 19, 2018 (Friday) | 6020

Nilinaw ni Presidential Spokesperson at Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na hinihintay ni Pangulong Rodrigo Duterte kung ano ang magiging rekomendasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na nakatalaga sa mindanao kung palalawigin pa ba o hindi na ang pagpapatupad ng martial law sa rehiyon.

Pinahintulutan ng Kongreso na ma-iextend hanggang ika-31 ng Disyembre 2018 ang request ng Duterte administration na maipatupad ang martial law sa Mindanao upang tuluyang magapi ang Islamic State-inspired terror groups.

Ayon kay Panelo, ikikunsidera ni Pangulong Duterte kung ano ang sasabihin ng mga tauhan ng militar na nagbabantay ng seguridad sa grounds.

Kung siya naman ang tatanungin, kung makakatulong ang extension ng martial law para tiyakin ang seguridad ng mga mamamayan at suportado naman ng nakararami, may pangangailangang mapalawig ito.

Ayon naman kay defense secretary delfin lorenzana, sa kasalukuyan ay ina-assess na ng Defense Department ang sitwasyon sa Mindanao. Sa pamamagitan ito ng pagsasagawa ng mga konsultasyon sa mga mamamayan, local government units, militar, pulisya, mga negosyante at civil society.

Inaasahan namang ilalabas nito ang rekomendasyon dalawang buwan bago matapos ang taon.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,